Pers taym ko mag-blog dine. Marami akong ibang blog--mer-ong Friendster, mer-ong Blogger, mer-ong Multiply. Pero dito, kasasali ko la-ang kaya nga-ngay-on ako mag-po-post. At ang napili kong isulat ay tungkol sa pagkaing Batangan.

Hindi ako lumaki sa Talisay. Pero habang ako'y nagkakahuwisyo, madalas kaming umu-wi sa atin. Pista, undras, summer vacation, Pasko at Bagong Taon, Flores de Mayo... Mula nang batuhan pa ang aming kalye hanggang sa ito'y maging sementado, taun-taon ay nauwi kami doon. At hinding-hindi ko malilimutan sa amin sa Talisay ay ang pagkain.

Habang ako'y nalaki ay naging paborito ko ang paburita. Sa umaga paggising naming mga bata, kanya-kanya na kaming takbo sa tindahan ng Kakang Jessie para bumili ng tig-iisang supot ng paburita. Pag dating sa bahay, kanya-kanya kaming sandok ng kapeng nilaga, kung saan namin dudurugin ang bawat isang piraso ng sampung paburitang nasa loob ng plastik. Anung sinabi ng Koko Krunch sa paburitang dinurog sa kape?!

Sa tanghalian naman ay unahan kaming mga bata sa poso para manghinaw. Pagkahinaw ay unahang uupo sa banko sa harap ng lato, sasakol ng mainit na kaninng sinabawan ng patis ng sinaing na tulingan, at iinom ng malamig na tubig galing sa tapayan. Syempre hindi pwedeng mawala ang pinisang kamatis na ka-partner ng sinaing. Ay talaga namang hihimurin mo ang lahat ng i-yong daliri sa sarap!

Sa panghimagas ay wala namang tatalo sa panutsa. O kaya namna ay bukhayo, o haleya. At kung meryenda ay laging may suman sa lihiya.

Hindi ko malilimutan nung una akong nakatikim ng talapyang galing sa Taal. Ay, sadya namang iba talaga ang lasa eh. Pati ang bangus na galing duon, ay pagkakasarap. At syempre, ang maliputo at tawilis! Ay maraming nagpapanggap na tawilis sa mga palengke't supermarket ngay-on, kaya't sa Talisay la-ang ako nabili.

Ngay-ong madalang na kaming umu-wi sa atin, madalang na rin akong makatikim ng mga pagkaing tubong Batangas. Gaya ng puto at pala-iros sa Tanauan, o kaya ay ng kulawo, o iyong lomi sa may OLFA. Pero 'pag napapasinta akong kumain ng sinaing, isang lugar la-ang ang aking pinupuntahan--sa SIDCOR sa Lung Center. Noong Linggo la-ang ay nakabili ako ng sinaing at ng ginat-ang tulingan at saka iyong embutidong nakabilot sa dahon ng saging. Wala la-ang naglalako ng kapeng nilaga doon. Sayang! Bagay sana sa sumang yakap.

May mga pagkain rin akong hinahanap pa, gaya ng apta at guno. Di ko la-ang alam kung mer-on pang gay-on. Pero ang amoy at lasa ng sinagkutsang apta na may kalamyas at talaga namang aking na-mi-miss.

Sa Linggo, ako'y magbabaka-sakali ulit. Malay mo, maka-tyempo ako. Ano, babakas ka ga?

Share 

Comment

You need to be a member of Batangueno Bloggers to add comments!

Join this Ning Network

© 2009   Created by itot54joni on Ning.   Create a Ning Network!

Badges  |  Report an Issue  |  Privacy  |  Terms of Service